PINAY WEIGHTLIFTER ELREEN ANDO, PASOK NA SA TOKYO OLYMPICS!

Ang Filipina weightlifter na si Elreen Ando ay matagumpay na nag-qualify sa naantalang 2020 Tokyo Olympics para sa women’s minus-64 kilograms division. Ito ang inanunsyo ng International Weightlifting Federation (IWF) noong umaga ng Sabado (June 12).

Batay sa listahan, ang Cebuana lifter ay nagtapos sa ika-12 puwesto sa kanyang division. Kaya naman, siya ang pinakabago at ika-11 miyembro ng mga delegado ng Pilipinas na lalahok sa Tokyo Olympics.

Ang mga iba pang nag-qualify sa Olympics ay sina EJ Obiena (pole vault), Carlos Yulo (gymnastics), Hidilyn Diaz (weightlifting) at Eumir Marcial, Irish Magno, Carlo Paalam, Nesthy Petecio (boxing), Cris Nievarez (rowing), Kurt Barbosa (taekwondo), at Margielyn Didal (skateboarding).

Ang 22 taong gulang na atleta ay una ng nakakuha ng dalawang silver medals at isang bronze sa 2020 Asian Weightlifting Championships na ginanap sa Uzbekistan noong unang bahagi ng taon.

Makakasama ni Ando ang isa ring weightlifter na si Hidilyn Diaz na lalaban sa minus-55 kg category sa Olympics.

Si Diaz ay pormal na nag-qualify sa Tokyo Olympics matapos ang kanyang partisipasyon sa naganap na Asian Weightlifting Championship sa Tashkent, Uzbekistan noong Abril 18.

Nagtapos si Diaz sa ika-apat na puwesto sa kabuuang 212 puntos. Isang punto lang ang lamang sa kanya ni bronze medalist Muattar Nabieva ng Uzbekistan.

Ito na ang pang-apat na pagkakataon na lalahok si Diaz sa Olympics matapos niyang makipagkumpitensya sa Beijing noong 2008, London noong 2012, at Rio de Janeiro noong 2016.

Nagwagi siya ng silver medal sa women’s 53-kilogram category sa Rio de Janeiro para tapusin ang kawalan ng medalya ng Pilipinas sa loob ng 20 taon.

Please don't forget to like and share our Facebook posts so you can be updated with the latest and greatest!